Hiniling ng United Bangsamoro Justice Party o UBJP sa National Bureau of Investigation o NBI ang masusing imbestigasyon sa mga iniulat na iregularidad at insidente ng pamamaril bago at habang isinasagawa ang unang Bangsamoro Parliamentary Elections noong Setyembre 14.
Sa liham ng partido, hiniling ng UBJP na alamin ang buong pangyayari sa mga insidenteng nagresulta sa pagkamatay at pagkakasugat ng ilang indibidwal, kabilang ang mga sinasabing supporters ng kanilang partido. Layunin din nitong matukoy kung sinu-sino ang posibleng responsable sa mga naturang insidente.
Hiniling ng UBJP na maipabatid sa mga kinauukulang awtoridad ang resulta ng imbestigasyon upang maisagawa ang nararapat na legal na aksyon laban sa sinumang mapatutunayang sangkot sa mga insidente.
Samantala, sinabi ng partido na umaasa ito sa tulong ng NBI upang mabigyang-linaw ang mga iniulat na pangyayari at matiyak ang pagkakaroon ng hustisya para sa mga biktima at kanilang mga pamilya. Ang mga alegasyon ay inaasahang sasailalim sa kaukulang beripikasyon at imbestigasyon ng mga awtoridad.









