Nanguna ang Cotabato City Health Office sa isinagawang Medical Mission ng Government Service Insurance System o GSIS para sa kanilang mga pensioner sa Cotabato City. Layunin ng aktibidad na makapaghatid ng libreng serbisyong pangkalusugan, lalo na para sa mga nakatatandang benepisyaryo.
Kabilang sa mga serbisyong ipinagkaloob ang libreng medical check-up para sa pangkalahatang kalagayan ng kalusugan, eye examination na may kasamang libreng reading glasses, at Fasting Blood Sugar o FBS test para sa regular na monitoring ng blood sugar level.
Nagkaroon din ng libreng flu vaccination at anti-pneumonia vaccination upang dagdagan ang proteksyon ng mga pensioner laban sa mga sakit, partikular na ang mga karaniwang maaaring makaapekto sa mga nakatatanda.
Nagpasalamat naman ang mga pensioner sa GSIS at Cotabato City Health Office sa libreng serbisyong kanilang natanggap. Ayon sa City Health Office, patuloy nilang paiigtingin ang mga programang pangkalusugan upang mas marami pang Cotabateño ang makinabang sa libreng medical services.










