Nanawagan ang BARMM Grand Coalition o BGC ng dialogue at pagtutulungan sa pagitan ng mga political party sa Bangsamoro Parliament, kasunod ng unang Bangsamoro Parliamentary Elections noong Setyembre 14. Sa isang pahayag, sinabi ng BGC na iginagalang nito ang naging mandato ng mga botante at nais nitong makipagtulungan sa iba pang partido para sa isang mapayapa, inklusibo at may pananagutang pamahalaan.
Ayon sa BGC, mahalagang agad na maihanda ang Parliament para sa pagbuo ng unang halal na Bangsamoro Government, kabilang ang pagpili ng Chief Minister. Sa kasalukuyang resulta, walang isang partido ang nakakuha ng mayoryang kailangan upang magbuo ng pamahalaan, kaya kailangan ang pagtutulungan at pag-uusap ng mga halal na kinatawan.
Kabilang sa nais talakayin ng BGC ang pagbuo ng mas inklusibong regional government, mas mabilis na pagpapatupad ng mga kasunduang pangkapayapaan, kabilang ang normalization at decommissioning sa ilalim ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro o CAB, gayundin ang pananagutan sa mga insidente ng karahasan at iregularidad na iniulat kaugnay ng nakaraang halalan.
Pangungunahan umano nina Lanao del Sur Governor Mamintal “Bombit” Adiong Jr., Basilan Governor Mujiv Hataman, dating Sultan Kudarat Governor at TESDA Secretary Suharto “Teng” Mangudadatu, at Sulu Vice Governor Abdusakur Tan ang mga isusulong na dialogue. Samantala, sinabi ng BGC na bukas itong makipag-usap sa UBJP at BFP upang hanapan ng common ground ang mga partido at makapaglatag ng mekanismo para sa kooperasyon sa bagong Bangsamoro Government.










