Arestado ang isang 44-anyos na lalaki matapos mahuli sa isinagawang buy-bust operation ng Drug Enforcement Team ng Police Station 4 sa Purok Matanog, Barangay Bagua 1, Cotabato City, alas-1:45 ng hapon noong Setyembre 21.
Kinilala ng hepe ng Police Station 4 na si PMajor Eduardo Malicdem ang suspek na si Esmael Guiana, 44-anyos at residente ng Purok Manisan, Barangay Bagua 1 sa lungsod.
Nasamsam umano mula sa suspek ang isang maliit na pakete na naglalaman ng hinihinalang shabu na may timbang na 0.10 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng 680 pesos. Ang nasabing pakete ay sinasabing bahagi ng transaksyon sa isinagawang operasyon.
Dinala ang suspek at nakumpiskang ebidensya sa himpilan ng pulisya para sa kaukulang dokumentasyon at proseso. Inihahanda naman ang pagsasampa ng kaso laban sa kanya dahil sa paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.










