Sumusuporta ang Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity o OPAPRU at Government Peace Implementing Panel o GPIP sa isasagawang independenteng imbestigasyon ng National Bureau of Investigation o NBI kaugnay ng shooting incident sa Cotabato City, bisperas ng unang BARMM Parliamentary Election.
Naganap ang pamamaril sa harap ng Datu Usman Mampen Elementary School sa Barangay Bagua 2 noong Setyembre 13, kung saan tatlong katao ang nasawi at 15 iba pa ang nasugatan, batay sa mga ulat ng mga awtoridad.
Ayon sa OPAPRU at GPIP, nakipag-ugnayan na sila sa NBI noong mismong araw ng halalan, bago pa lumakas ang mga panawagan para sa isang hiwalay at masusing imbestigasyon sa naturang insidente.
Samantala, nanawagan din ang United Bangsamoro Justice Party o UBJP para sa pormal na imbestigasyon ng NBI sa mga insidente ng election-related violence at iba pang insidenteng naganap kaugnay ng unang parliamentary election sa Bangsamoro.
Binigyang-diin naman ng OPAPRU at GPIP na dapat maging independent, patas at nakabatay sa ebidensya ang imbestigasyon upang matukoy ang mga responsable sa insidente at mabigyan ng hustisya ang mga biktima at kanilang mga pamilya.










