Anim na armadong lalaki ang nasawi matapos mauwi sa madugong bakbakan ang pagsisilbi ng warrant of arrest ng mga awtoridad sa Barangay Balong, Tugunan, Special Geographic Area (SGA), BARMM, noong Sabado, Setyembre 19, 2026.
Ikinasa ng mga tauhan ng Maguindanao del Norte Police Provincial Office at Tugunan Municipal Police Station, katuwang ang Armed Forces of the Philippines, ang naturang operasyon laban sa isang pugante na may kasong carnapping with homicide. Habang papalapit ang mga operatiba, bigla silang pinaputukan ng target at ng grupo nito na nagresulta sa matinding palitan ng putok.
Matapos ang engkwentro, narekober ng mga awtoridad ang apat na M16 rifles at isang Garand rifle mula sa armadong grupo na pinamumunuan ni alyas “Zoren,” na inirereklamo rin sa mga insidente ng motornapping, cattle rustling (pagnanakaw ng baka), at ilegal na droga sa lugar.
Samantala, humigit-kumulang 350 residente ang pansamantalang lumikas sa dalawang evacuation center sa nasabing lugar bunsod ng sagupaan ng magkabilang panig.
Suportado naman ng 6th Infantry Division ng Philippine Army ang law enforcement operation ng Philippine National Police laban sa mga wanted person sa naturang bayan.










