Muling pinagtibay ni Lanao del Sur Governor Mamintal “Bombit” Alonto Adiong Jr. ang kanyang personal at politikal na suporta kay Bangsamoro Chief Minister Abdulraof “Sammy Gambar” Macacua matapos ang makasaysayang unang Bangsamoro parliamentary elections.
Sa isang opisyal na pahayag, inihayag ni Gov. Adiong ang kanyang mainit na pagbati kay Macacua at binigyang-diin ang paninindigan nitong suportahan ang pagpapatuloy ng liderato ng Punong Ministro sa rehiyon.
Binigyang-diin ng gobernador ang kanilang mahabang kasaysayan ng pagtutulungan sa pagsusulong ng maayos na pamamahala at mabilis na paghahatid ng serbisyo publiko sa buong Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Ayon kay Adiong, napakahalaga sa kasalukuyan ang isang pinuno na may kakayahang mag-ugnay sa magkakaibang sektor at magtaguyod ng tunay na pagkakaisa sa rehiyon.
Bilang amain ng lalawigan ng Lanao del Sur, tiniyak ng gobernador ang buong kahandaan ng pamahalaang panlalawigan na makipagtulungan sa Bangsamoro Government sa ilalim ng pamumuno ni Macacua, lalo na sa mga proyektong direktang tutugon sa pangangailangan ng mga mamamayan sa marginalized communities.
“Nananatiling nakahanda ang Lanao del Sur na makiisa sa pagsusulong ng isang rehiyong nagkakaisa at may iisang kinabukasan para sa lahat ng Bangsamoro,” pahayag ni Adiong.
Si Governor Adiong ay naglilingkod din bilang Secretary-General ng BARMM Grand Coalition (BGC), isa sa mga pangunahing alyansang politikal sa rehiyon.










