Pinaigting ang seguridad sa Barangay Bagua 2, Cotabato City kasunod ng ulat tungkol sa isang posibleng security concern sa lugar. Ayon kay Cotabato City Mayor Bruce Matabalao, natanggap niya ang impormasyon mula kay Barangay Bagua 2 Chairman Kap Fahad Singh. Gayunman, nilinaw ng alkalde na wala pang kumpirmasyon sa naturang ulat mula sa police at military intelligence units.
Sa kabila nito, agad na inatasan ni Matabalao ang Cotabato City Police Office o CCPO at MBLT-6 na mag-deploy ng karagdagang personnel at paigtingin ang monitoring at seguridad sa lugar. Patuloy din umano ang air operations ng Philippine Air Force hanggang madaling araw bilang bahagi ng security monitoring.
Nakaantabay naman ang CDRRMO, City Health Office at Public Safety Office para sa anumang pangangailangang agarang responde. Nanawagan si Matabalao sa mga residente na manatiling kalmado at mapagmatyag, at iwasang magpakalat ng mga impormasyong hindi pa beripikado.
Ang dagdag na seguridad ay kasunod ng mga naunang insidente ng karahasan sa Cotabato City, kabilang ang pamamaril sa Barangay Bagua 2 bago ang kauna-unahang BARMM Parliamentary Elections noong Setyembre 14.










