Nagpaalala si Cotabato City Vice Mayor Johair Madag sa publiko na maging maingat sa mga kumakalat na impormasyon sa social media, partikular sa mga post na maaaring magdulot ng takot, pangamba at kalituhan sa mga mamamayan.
Ayon kay Madag, mahalagang tiyakin muna ang katotohanan ng isang impormasyon bago ito paniwalaan o ibahagi online, lalo na kung may kinalaman ito sa seguridad at kaligtasan ng publiko.
Sinabi rin ng opisyal na patuloy siyang nakikipag-ugnayan sa mga law enforcement units upang matiyak ang seguridad ng mga residente at agad na matugunan ang anumang posibleng banta o insidente sa lungsod.
Kasabay nito, hiniling ni Madag sa mga barangay officials na paigtingin ang seguridad at pagbabantay sa kani-kanilang Areas of Responsibility o AOR.
Hinikayat din ang mga opisyal ng barangay na agad na iulat sa City Government ang anumang kahina-hinala o hindi kanais-nais na pangyayari sa kanilang nasasakupan upang mabilis itong maaksiyunan ng mga kinauukulang awtoridad.
Muling binigyang-diin na sa panahon ng mabilis na pagkalat ng impormasyon online, mahalagang maging mapanuri ang publiko at iwasang magpakalat ng mga hindi beripikadong balita na maaaring magdulot ng hindi kinakailangang pangamba sa komunidad.










