Taos-pusong nagpasalamat at nagbigay-pugay ang Commission on Elections o COMELEC sa mga botanteng Bangsamoro na nagpakita ng tiyaga, determinasyon at tapang upang magamit ang kanilang karapatang bumoto sa kauna-unahang Bangsamoro Parliamentary Elections ngayong 2026.
Ayon kay COMELEC Chairman George Erwin Garcia, pinahahalagahan ng poll body ang naging pakikilahok ng mga mamamayan sa buong Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM, na sa kabila ng mga pangamba at ilang naging hamon sa halalan ay nagtungo pa rin sa mga polling precinct upang makaboto.
Sinabi ni Garcia na mahalaga ang naging partisipasyon ng mga Bangsamoro sa makasaysayang halalang ito, dahil ito ang unang parliamentary elections para sa rehiyon na bahagi ng proseso ng pagbuo ng bagong Bangsamoro Parliament.
Samantala, sinabi ng COMELEC na may ilang lugar pa na nagpapatuloy ang transmission ng mga resulta at may mga election returns pang hinihintay bago tuluyang makumpleto ang proseso ng canvassing.
Patuloy namang nananawagan ang COMELEC sa publiko na hintayin ang opisyal na resulta mula sa mga kinauukulang canvassing bodies at iwasang magpakalat ng hindi beripikadong impormasyon hinggil sa resulta ng halalan.










