Iniulat ng Philippine National Police o PNP na nananatiling pangkalahatang mapayapa at maayos ang pagboto sa BARMM Parliamentary Elections, batay sa kanilang monitoring.
Umabot sa 97.38 percent ang voting status sa mga mino-monitor na lugar. Naitala naman ang 100 percent start status sa Lanao del Sur, Maguindanao del Sur, Tawi-Tawi at Special Geographic Area.
Sa Basilan, nagsimula ang pagboto sa 165 sa 189 na lugar o 87.30 percent, habang sa Maguindanao del Norte ay 264 sa 271 lugar o 97.42 percent.
Sa Cotabato City, patuloy namang naka-monitor ang Cotabato City Police Office o CCPO sa mga polling center at iba pang strategic areas, kasabay ng koordinasyon sa COMELEC at iba pang ahensya para sa seguridad ng mga botante.
Hinikayat ng PNP ang publiko na manatiling kalmado, sumunod sa mga patakaran sa halalan at igalang ang karapatan ng bawat botante na makilahok sa proseso ng eleksyon.










