Paiigtingin ng Ministry of Basic, Higher and Technical Education o MBHTE-BARMM ang mga hakbang para mapanatiling ligtas ang mga mag-aaral, guro at iba pang school personnel sa mga paaralan sa Bangsamoro.
Kasunod ito ng mga naiulat na insidente ng karahasan na kinasasangkutan ng ilang paaralan at learners sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Dahil dito, binibigyang-diin ng ahensya ang kahalagahan ng mas mahigpit na safety measures at mas mabilis na pagtugon sa anumang banta sa loob at paligid ng mga paaralan.
Suportado rin ng MBHTE ang pagbuo ng School Safety Task Force, na tututok sa pagpapalakas ng seguridad at koordinasyon sa mga paaralan. Kabilang sa mga maaaring maging bahagi nito ang mga guro, magulang, law enforcement agencies, health professionals, religious leaders at iba pang stakeholders.
Inaasahang magsisilbing katuwang ang task force sa pagtukoy ng mga posibleng panganib, pagbuo ng mga hakbang pangkaligtasan at pagpapalakas ng ugnayan ng paaralan at komunidad. Layunin nitong matiyak na magiging ligtas ang learning environment para sa mga mag-aaral at makapagpatuloy sila sa kanilang pag-aaral nang may seguridad at kapanatagan.










