Pinuri ni Maguindanao del Sur Provincial Board Member Forester Kahal Kedtag ang pagpili ni Bangsamoro Chief Minister Abdulraof Macacua sa mga bagong miyembro ng gabinete ng Bangsamoro Government.
Ayon kay Kedtag, maganda ang pagkakabuo ng bagong gabinete dahil naniniwala siyang may kakayahan at sapat na kaalaman ang mga napiling opisyal upang makatulong sa pagpapaunlad ng rehiyon.
Ipinahayag din niya ang kanyang tiwala na bawat miyembro ng gabinete ay may mahalagang maiaambag sa pagpapatupad ng mga programa at proyekto ng pamahalaang Bangsamoro.
Inihalintulad pa ni Kedtag ang gabinete sa isang sasakyan na kailangang gumana nang maayos ang bawat bahagi upang makarating sa tamang destinasyon.
Sa ganitong paraan, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagkakaisa, pagtutulungan at maayos na ugnayan ng mga bagong opisyal.
Umaasa naman siyang magiging maayos ang kanilang koordinasyon upang maipatupad ang mga programa ng administrasyon at maihatid ang mga serbisyong kailangan ng mamamayan sa buong rehiyon.










