Arestado ang isang lalaki na kabilang sa Top 5 Most Wanted Persons sa antas ng rehiyon ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM dahil sa kasong murder o pagpatay.
Isinagawa ang pag-aresto dakong alas-7 ng umaga nitong Linggo, Nobyembre 8, sa Sitio Irrigation, Barangay Poblacion Dalican, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte.
Kinilala ang naaresto na si Ngok Ngok, 28-anyos at residente ng nasabing barangay. Ayon sa pulisya, isinagawa ang operasyon ng mga tauhan ng Datu Odin Sinsuat Municipal Police Station, sa pangunguna ni PCPT Sammy A. Paning, katuwang ang Provincial Intelligence Unit ng Maguindanao del Norte Police Provincial Office.
Isinagawa ang pag-aresto sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong murder sa ilalim ng Article 248 ng Revised Penal Code. Ang warrant ay inilabas ng Regional Trial Court Branch 14 noong Nobyembre 11, 2024, at walang inirekomendang piyansa para sa pansamantalang paglaya ng suspek.
Matapos basahan ng kanyang mga karapatan sa ilalim ng batas, dinala ang suspek sa himpilan ng Datu Odin Sinsuat Municipal Police Station kung saan siya kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya para sa kaukulang proseso.










