Nasawi ang itinuturing na Number 1 Most Wanted Person sa buong Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM, kasama ang isa pa nitong umano’y kasamahan, matapos ang isang engkuwentro sa pagitan ng mga awtoridad at mga suspek sa bayan ng Ampatuan, Maguindanao del Sur.
Naganap ang operasyon sa Sitio Bliss, Barangay Kapinpilan, kung saan nagtungo ang pinagsanib na puwersa ng pulisya at militar upang ipatupad ang mga warrant of arrest laban sa pangunahing suspek.
Kinilala ng pulisya ang nasawing most wanted person na si Amar Sansawi Usman, na kilala rin sa mga alyas na Akhie Usman at Marhan. Ang isa pang nasawi ay kinilala lamang sa pangalang Syok.
Batay sa ulat ng mga awtoridad, sinubukan pa umanong kumbinsihin ang dalawa na sumuko nang mapayapa. Gayunman, nauwi sa palitan ng putok ang operasyon matapos umanong magpaputok ang mga suspek.
Agad na isinugod sa Bangsamoro Regional Hospital and Medical Center ang dalawa, subalit kapwa sila idineklarang wala nang buhay.
Ayon pa sa pulisya, iniuugnay si Usman sa grupong Dawlah Islamiyah-Hassan Group. Nahaharap din siya sa magkakahiwalay na kaso na may kaugnayan sa murder, frustrated murder, robbery with homicide, robbery, at paglabag sa Anti-Carnapping Act.
Itinuturo rin siyang isa sa mga suspek sa pananambang sa mga tauhan ng pulisya sa bayan ng Shariff Aguak noong Marso 28, 2026.
Patuloy namang tinututukan ng mga awtoridad ang mga kasong kinakaharap ng nasabing suspek at ang posibleng kaugnayan nito sa iba pang krimen sa rehiyon.










