Arestado ang isang 37-anyos na lalaki dahil sa kasong Acts of Lasciviousness kaugnay ng paglabag sa Republic Act 7610 o batas na nagpoprotekta sa mga bata laban sa pang-aabuso.
Kinilala ang suspek sa alyas na Kute, isang driver at residente ng Barangay Makir, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte. Nadakip siya dakong alas-12:40 ng tanghali noong Nobyembre 7, 2026, sa Barangay Tapian, sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Regional Trial Court Branch 13.
Ang warrant ay may kaugnayan sa Criminal Case Number 2015-7301, na inisyu ni Judge Ysniara A. Ibrahim, na may inirekomendang piyansang 12-thousand pesos.
Pinangunahan ni Police Captain Sammy Paning, Deputy Chief of Police ng Datu Odin Sinsuat Municipal Police Station, ang pag-aresto sa suspek bilang bahagi ng inilunsad na SACLEO o Simultaneous Anti-Criminality Law Enforcement Operation, alinsunod sa direktiba ng kanilang hepe ng pulisya.
Matapos basahan ng kanyang mga karapatan, dinala ang suspek sa himpilan ng Datu Odin Sinsuat MPS kung saan siya kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya para sa kaukulang proseso.










