Dead on arrival sa pagamutan ang isang pulis matapos barilin sa ulo ng hindi pa nakikilalang suspek sa Sayre Highway, Sitio Raberran, Barangay General Luna, Carmen, Cotabato noong gabi ng Setyembre 25, 2026. Kinilala ang biktima na si Patrolman Faizal Buisan Alang, miyembro ng 1405th Maneuver Force Company ng Regional Mobile Force Battalion 14-A sa SGA-BARMM.
Batay sa ulat ng Carmen Municipal Police Station, natagpuan ng mga nagpapatrolyang pulis ang biktima na nakahandusay na sa gilid ng kalsada at may matinding sugat mula sa tama ng bala. Mabilis siyang isinugod sa pinakamalapit na ospital ngunit hindi na naisalba ng mga doktor.
Nabatid na ang biktima ay kabilang sa MILF-MNLF Quota Himagsik Batch 2. Sa kasalukuyan, patuloy ang isinasagawang masusing imbestigasyon ng Carmen PNP upang matukoy ang motibo sa pamamaril at makilala ang salarin na nasa likod ng naturang krimen.










