Patay ang isang 44-anyos na magsasaka habang nakaligtas naman ang kaniyang asawa matapos silang pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang suspek sa National Highway, Barangay Kanguan, Datu Piang, Maguindanao del Sur, gabi ng Nobyembre 10, 2026.
Kinilala ang nasawi na si Zukarno Sandalio Bandato, residente ng Barangay Liong. Batay sa paunang imbestigasyon, pauwi na ang mag-asawa sakay ng motorsiklong Yamaha NMAX nang pagbabarilin sila ng mga suspek na sakay ng puting minivan na walang plaka.
Isinugod sa ospital si Bandato ngunit idineklarang dead on arrival. Nakaligtas naman ang kaniyang asawa ngunit nakaranas ng matinding trauma. May isa ring babaeng tinamaan ng ligaw na bala at dinala sa ospital sa Midsayap.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang motibo at pagkakakilanlan ng mga salarin.










