Naglabas ng warrant of arrest ang Iligan City Regional Trial Court Branch 1 laban kay Datu Unsay Mayor Datu Andal “Xyril” Ampatuan V at labing-isang iba pa kaugnay ng RPG ambush kay Shariff Aguak Mayor Datu Akmad “Mitra” Ampatuan noong Enero 2026.
Batay sa resolusyon ng DOJ, kinakaharap ng mga akusado ang mga kasong frustrated murder at paglabag sa Anti-Terrorism Act of 2020. Ayon sa pahayag ni PRO-BAR spokesperson Steffi Salanguit, lumitaw ang pangalan ng labindalawang suspek matapos ang isinagawang imbestigasyon ng mga awtoridad.
Kabilang sa mga naisampa sa korte ang apat na bilang ng frustrated murder, terrorism, pati na rin ang pagpaplano at conspiracy to commit terrorism. Ligtas na nakalabas sa naturang pag-atake si Mayor Akmad Ampatuan kasama ang kanyang mga tauhan, habang wala pa namang inilalabas na opisyal na pahayag ang kampo ni Mayor Xyril Ampatuan. Binigyang-diin ng mga awtoridad na magkakaroon ng pagkakataon ang mga akusado na sagutin ang mga paratang sa korte alinsunod sa tamang proseso ng batas.










