Arestado ang isang 54-anyos na lalaki matapos umanong mahuli sa isinagawang drug buy-bust operation sa Maya Street, Federville, Barangay Rosary Heights 11, Cotabato City.
Isinagawa ang operasyon ng mga tauhan ng PNP Station 2 Drug Enforcement Team. Kinilala ng Station 2 Chief na si Police Major Tugaya Alfonso ang suspek sa alyas na Mike, isang single, walang trabaho, at residente ng Mabini Street, Barangay Bagua 3 sa lungsod.
Ayon sa pulisya, nasamsam sa isinagawang operasyon ang isang maliit na plastic sachet na naglalaman umano ng hinihinalang shabu na may bigat na zero point zero five grams o 0.05 grams, na nagkakahalaga ng tatlong daan at apatnapung piso.
Isinailalim sa kaukulang proseso ang nakumpiskang hinihinalang ilegal na droga bilang bahagi ng imbestigasyon at dokumentasyon ng kaso. Posibleng maharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Samantala, binigyang-diin ni Rosary Heights 11 Kagawad Datu Salapodin Zacaria na hindi residente ng kanilang barangay ang suspek, kaya hindi umano ito makaaapekto sa pagiging Barangay Drug Cleared ng lugar.
Nanawagan naman ang Barangay Local Government Unit ng Rosary Heights 11, sa pamumuno ni Chairman Joharto Binangon, sa mga residente na agad ireport sa mga awtoridad ang anumang indibidwal na sangkot umano sa ilegal na droga upang mabigyan ng kaukulang aksyon.
Photo courtesy: Vecteezy










