Nanawagan si MILF Peace Implementing Panel Chair Mohagher Iqbal sa National Government na imbestigahan, tukuyin at sampahan ng kaso ang mga responsable sa mga umano’y iregularidad na nangyari sa unang Bangsamoro Parliamentary Elections noong Setyembre 14. Iginiit ni Iqbal na dapat managot ang sinumang mapatutunayang sangkot, anuman ang kanilang grupo o kinabibilangan.
Ayon kay Iqbal, kabilang sa mga iniulat na problema ang umano’y pre-shaded ballots, malawakang vote-buying at karahasan. Sinabi niya ito sa special meeting ng GPH at MILF Peace Implementing Panels noong Setyembre 25 sa Kuala Lumpur, Malaysia. Ayon sa kanyang pahayag, limang tao ang nasawi at 48 ang nasugatan sa mga insidenteng may kaugnayan sa halalan.
Binigyang-diin ni Iqbal na mahalaga ang imbestigasyon at pananagutan upang mapanatili ang tiwala sa proseso ng kapayapaan. Samantala, sinabi ng Commission on Human Rights na may mga naiulat ding security concerns, election-related violence, ballot irregularities, vote-buying at iba pang insidente na kailangan pang beripikahin ng mga kinauukulang awtoridad.










