Sugatan ang isang 30-anyos na lalaki matapos barilin ng hindi pa nakikilalang suspek sa National Highway sa Barangay Layog, Pagalungan, Maguindanao del Sur. Nangyari ang insidente alas-6:59 ng gabi nitong Sabado, Setyembre 26.
Kinilala ng hepe ng Pagalungan Municipal Police Station na si PMajor Michael Ameril ang biktima na si Bebe Dhats o Jeffrey Dimasingkil Ayunan Jr., 30 anyos, may asawa at residente ng Pagalungan. Ayon sa ulat, galing sa Kabacan ang biktima kasama ang kanyang asawa at mga anak at sakay ng isang puting multicab nang dikitan sila ng dalawang suspek na sakay ng motorsiklo.
Pagsapit sa bahagi ng Tunggol Bridge sa Barangay Layog, biglang pinagbabaril ng mga suspek ang sasakyan ng biktima, dahilan para tamaan sa katawan si Ayunan. Agad siyang dinala sa pinakamalapit na pagamutan para magamot. Patuloy naman ang imbestigasyon ng Pagalungan PNP, katuwang ang mga tauhan ng Philippine Army na nakatalaga sa lugar, upang matukoy ang mga suspek at ang motibo sa pamamaril.










