Patay ang mag-asawa matapos silang paslangin ng mga armadong lalaki sa loob mismo ng kanilang tahanan sa Sitio Matiyumpong, Ligawasan, Datu Montawal, Maguindanao del Sur.
Kinilala ng mga awtoridad ang mga biktimang sina Moowa “Alex” Pandapatan at ang kanyang misis na si Bimban Bai Macabimban Salipada-Pandapatan, parehong nasa tamang edad at residente ng nasabing lugar.
Ayon kay Barangay Kagawad Omar “BRANDO” Sandigan, naganap ang pamamaril bandang alas-11:30 ng gabi habang nahihimbing sa pagtulog ang mag-asawa. Bigla na lamang umanong pumasok ang mga armadong suspek at walang awang pinagbabaril ang mga biktima.
Hindi pa nakuntento ang mga salarin, kinuha rin ng mga ito ang pera at mga alahas ng mag-asawa bago mabilis na tumakas. Dahil dito, pagnanakaw ang isa sa mga pangunahing motibong sinusundan ngayon ng mga otoridad.
Nag-iwan ng matinding dalamhati ang insidente sa pamilya ng mga biktima, lalo’t naiwang tuluyang ulila ang kanilang mga anak.
Kasalukuyan nang nagpapatuloy ang malalimang imbestigasyon ng lokal na kapulisan upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga tumakas na suspek, malaman ang buong motibo sa krimen, at mabigyan ng katarungan ang mga biktima.









