Ipinakilala ng 38th Infantry Battalion ang labing-isang dating miyembro ng mga armadong grupong extremist kay 601st Brigade Commander Brigadier General Gremel Brual sa himpilan ng 38IB sa Sitio Landing Fish, Barangay Buayan, Datu Piang, Maguindanao del Sur. Pinangunahan ang aktibidad ni Lieutenant Colonel Mark Anthony Tornalejo, commander ng 38IB, bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap na hikayatin ang mga dating rebelde na magbalik-loob sa pamahalaan. Sa labing-isa, lima ang mula sa Shariff Saydona Mustapha, apat sa Rajah Buayan, at dalawa sa Datu Salibo.
Ayon sa ulat, siyam sa mga nagbalik-loob ay dating miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters o BIFF, habang dalawa naman ang mula sa Dawlah Islamia. Kasabay ng kanilang pagsuko, isinuko rin nila ang labing-isang armas, kasama ang mga magazine at bala. Binigyang-diin ni Lieutenant Colonel Tornalejo ang kahalagahan ng patuloy na pagtutulungan ng Armed Forces of the Philippines, mga lokal na pamahalaan, Philippine National Police, at iba pang ahensya upang mapanatili ang pangmatagalang kapayapaan sa Maguindanao del Sur.
Pinuri naman ni Brigadier General Brual ang mga nagbalik-loob sa kanilang pasyang talikuran ang armadong pakikibaka at piliin ang mas mapayapang pamumuhay kasama ang kanilang mga pamilya. Kinilala rin niya ang suporta ng mga lokal na pamahalaan, kapulisan, komunidad, at 38IB sa pagpapalakas ng mga programang naglalayong pigilan ang pagkalat ng mga hindi lisensiyadong armas at tulungan ang mga dating sangkot sa armadong grupo na makapagsimulang muli at maging produktibong bahagi ng lipunan. Inaasahang magpapatuloy ang pagtutulungan ng mga kinauukulang ahensya upang maisulong ang mas ligtas, mapayapa, at maunlad na Maguindanao del Sur.










