Arestado ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA at Philippine National Police ang isang High Value Target o HVT matapos umanong mabentahan ng hinihinalang shabu sa isinagawang buy-bust operation, sa El-Manuel City Walk, Poblacion 5, Cotabato City.
Kinilala ang suspek sa alyas na “Ivan,” 22-anyos at residente ng Barangay Dalican, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte.
Ayon sa PDEA BARMM, nakumpiska mula sa suspek ang limang heat-sealed plastic sachet na naglalaman ng tinatayang 250 gramo ng hinihinalang shabu. Tinatayang nasa 350 libong piso ang street value nito, habang umaabot naman sa 1.7 milyong piso ang standard value.
Narekober din sa operasyon ang 350 libong pisong buy-bust money na may marked na isang libong pisong bill, isang Android phone, itim na belt bag at iba pang bag.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Section 5 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Kasalukuyan siyang nakapiit sa pasilidad ng PDEA Regional Office BARMM habang inihahanda ang kaukulang kaso laban sa kanya.










