Nabawi ng Parang Municipal Police Station ang isang nakaw na motorsiklo at naaresto ang suspek sa isinagawang hot pursuit operation sa Barangay Dalumangcob, Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte. Ayon sa Parang MPS, ninakaw umano ng suspek ang motorsiklo ni Aminodin A. Salik sa Barangay GT Biruar, Parang.
Agad na nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga tauhan ng Parang MPS at nakipag-ugnayan sa Sultan Kudarat Municipal Police Station. Dahil sa mabilis na koordinasyon, natunton ang suspek sa kanyang tirahan sa Dalumangcob at doon siya naaresto. Positibo rin umanong kinilala ng biktima ang nabawing motorsiklo.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Parang MPS ang suspek at ang nakuhang motorsiklo habang inihahanda ang kaukulang kaso para sa pagsasampa sa korte. Tiniyak naman ng pulisya ang patuloy na pagtugis sa mga gumagawa ng krimen at pagpapanatili ng kaayusan sa bayan.










