Nagsilikas patungo sa mas ligtas na lugar ang ilang residente matapos makaramdam ng tensiyon sa pagitan ng dalawang armadong grupo sa Sitio Mungkas, Barangay Kuta, Shariff Aguak, Maguindanao del Sur nitong hapon.
Ayon sa isang residenteng naapektuhan, nakaramdam sila ng pangamba dahil sa tensiyon sa lugar kaya nagpasya silang lumikas patungo sa Barangay Kuta upang makaiwas sa posibleng sagupaan. Nanawagan naman ang mga bakwit sa mga kinauukulan na agad na maresolba at mapahupa ang tensiyon upang matiyak ang kanilang kaligtasan.
Ayon pa sa isa sa mga lumikas, labis na naapektuhan ang mga sibilyan sa ganitong sitwasyon at nais lamang nilang manatiling ligtas ang kanilang mga pamilya.
Samantala, pinasinungalingan naman ni Shariff Aguak Vice Mayor Datu Hoping “Mitra” Ampatuan Jr. ang kumakalat na ulat sa social media tungkol umano sa naganap na kaguluhan sa kanilang lugar. Patuloy naman ang pakikipag-ugnayan ng mga kinauukulan upang mapanatili ang kapayapaan at seguridad sa lugar.










