Nagsagawa ng verification at clearing operations ang Cotabato City Police Office o CCPO matapos maiulat ang magkakasunod na pagsabog at putok ng baril sa Purok Pakistan, Mother Barangay Kalanganan, Cotabato City, bandang alas-8:30 ng gabi nitong Setyembre 28, 2026.
Ayon sa CCPO, isang concerned citizen ang unang nag-report sa police hotline, kaya agad na nagpadala ng mga tauhan ng pulisya sa lugar. Nakipag-ugnayan din ang CCPO sa Philippine Army, Philippine Marines, CMFC at mga imbestigador upang beripikahin ang ulat at tiyakin ang seguridad sa lugar.
Batay sa paunang imbestigasyon, nakarinig umano ang mga residente ng tatlong malalakas na pagsabog na sinundan ng mga putok ng baril. Nagmula umano ang mga ito sa direksyon ng Sitio Kidopo, Kalanganan 1, kung saan sinasabing may hindi pa nakikilalang armadong grupo sa kabilang bahagi ng ilog. Posible umanong gumamit ang grupo ng matataas na kalibre ng baril at hinihinalang M79 grenade launcher. Gayunman, patuloy pa itong bineberipika ng mga awtoridad.
Wala namang naitalang nasugatan o nasirang ari-arian sa insidente. Matapos ang insidente, iniulat na umatras ang mga armadong indibidwal patungo sa Sitio Baguer, Kalanganan 1. Patuloy ang clearing at pursuit operations ng mga awtoridad upang matukoy ang mga posibleng sangkot. Batay sa paunang impormasyon, posibleng nag-ugat ang insidente sa personal na alitan, ngunit hindi pa ito kumpirmado. Tiniyak ng CCPO na magpapatuloy ang imbestigasyon at sasampahan ng kaukulang kaso ang mga responsable kapag nakumpirma ang kanilang pagkakakilanlan at sapat na ebidensya.










