Naaresto ng pinagsanib na puwersa ng kapulisan ang isa pang Most Wanted Person sa Barangay Panikupan, Tugunan, Special Geographic Area o SGA-BARMM.
Kinilala ang naaresto na si Kamarudin Aguid, alyas “Kamar,” 34 anyos, at residente ng Purok Bunsain, Mother Barangay Tamontaka, Cotabato City. Ayon sa Cotabato City Police Office Station 3, may umiiral na warrant of arrest laban sa suspek kaugnay ng kasong Frustrated Murder.
Ang warrant ay may Criminal Case Number 2026-17891, na may inirekomendang piyansa na dalawang daang libong piso. Inisyu ito noong Hulyo 28, 2026 ni Hon. Ysnaira A. Ibrahim, Presiding Judge ng Regional Trial Court Branch 13 sa Cotabato City.
Pinangunahan ng 1405th Maneuver Force Company ng Regional Mobile Force Battalion 14A ang operasyon, katuwang ang tracker team ng CCPO Police Station 3, CIU, MPU, Tugunan MPS at RID RIAT ng PRO BAR. Sa ngayon, nasa kustodiya na ng Police Station 3 si Aguid at sumailalim na sa medical examination para sa kaukulang dokumentasyon at proseso ng batas.










