Dalawang negosyante ang nasawi habang isa ang sugatan matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek sa inner portion ng Barangay Pembalkan, Mamasapano, Maguindanao del Sur, kahapon, Setyembre 24. Kinilala ang mga nasawi na sina Fahad Sula at Alparis Dalinding, kapwa residente ng Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte, na idineklarang dead on arrival sa Bangsamoro Regional Medical Center.
Sugatan naman ang 22-anyos na si alyas Ash, residente rin ng Barangay Kalsada, Sultan Kudarat. Batay sa inisyal na imbestigasyon, sakay ng isang payong-payong ang tatlo nang pagbabarilin sila ng suspek na sakay umano ng XRM motorcycle na walang plaka. Tatlong basyo ng bala ang narekober sa lugar at isusumite sa Regional Forensic Unit para sa ballistic examination.
Wala pang natukoy na malinaw na motibo sa pamamaril. Agad na tumakas ang suspek patungo sa hindi pa matukoy na direksyon. Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad para matukoy ang pagkakakilanlan ng suspek at motibo sa insidente.










