Nagsagawa ng orientation ang Department of Labor and Employment o DOLE Region 12 para sa mga employer at Employers’ Authorized Representatives o EARs, kaugnay ng bagong patakaran sa pagproseso ng Alien Employment Permit o AEP.
Ang hakbang ay alinsunod sa direktiba ni Labor Secretary Francis Tolentino na ganap na isentralisa ang pagproseso ng AEP sa buong bansa. Layunin nito na mapalakas ang pagsunod ng mga employer sa mga kinakailangang dokumento at requirements, gayundin ang maayos na paglipat sa centralized system.
Dinaluhan ang orientation ng mga kinatawan mula sa 15 kumpanya, kasama ang mga DOLE AEP focal persons. Tinalakay sa aktibidad ang bagong framework, mga proseso at iba pang alituntunin na dapat sundin sa pagkuha at pagproseso ng AEP.
Ayon kay DOLE XII Regional Director Imelda Gatinao, mahalaga ang orientation upang magkaroon ang mga employer ng mas malinaw na pag-unawa sa mga bagong patakaran. Naging pagkakataon din ito para makapagtanong ang mga employer at mabigyan ng paglilinaw sa mga usaping may kaugnayan sa bagong sistema ng AEP processing.










