Isang magandang resulta para sa pamahalaang panlalawigan ng Cotabato ang naitalang pagtaas sa produksyon ng palay sa probinsya, batay sa pinakabagong datos ng Philippine Statistics Authority o PSA.
Ayon sa PSA, umabot sa 209,456 metric tons ang produksyon ng palay ng Cotabato Province sa unang semestre ng 2026. Mas mataas ito ng 10.45 porsyento kumpara sa 189,647 metric tons na naitala sa kaparehong panahon noong 2025.
Iniuugnay ang pagtaas sa pagpapatupad ng mga programa ng pamahalaang panlalawigan katuwang ang Department of Agriculture, Philippine Rice Research Institute o PhilRice, National Irrigation Administration at Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization o PhilMech. Kabilang dito ang pamamahagi ng dekalidad na binhi, abono, insecticides, sapat na patubig at makabagong makinaryang pang-agrikultura.
Sa ilalim naman ng Cotabato Rice Revolution Program o CRRP, mahigit 26,000 bag ng abono ang naipamahagi sa higit 13,000 ektaryang sakahan mula Nobyembre 2024 hanggang unang semestre ng 2026. Ayon sa provincial agriculture office, tumaas din ang average yield ng mga benepisyaryo ng programa, na nagpapakita ng naging ambag ng mga suportang pang-agrikultura sa pagpapataas ng ani.










