Nakibahagi ang Cotabato City Police Office o CCPO sa Regional Contingency Planning Preparatory Workshop na naglalayong palakasin ang kahandaan at pagtugon sa iba’t ibang kalamidad at emergency situation sa Bangsamoro Region.
Isinagawa ang aktibidad sa Bangsamoro READi Office sa Bangsamoro Government Center o BGC. Pinangunahan ni PLTCOL Theng M. Bacal, Chief ng City Community Affairs and Development Unit o CCADU, ang delegasyon ng CCPO.
Nakatuon ang workshop sa pagrerepaso at pagpapahusay ng mga senaryo sa Regional Contingency Plan, partikular sa mga posibleng banta tulad ng lindol at tsunami. Tinalakay rin ang mga hakbang sa paghahanda at pagtugon sa posibleng armed conflict at iba pang banta sa kaligtasan ng publiko.
Pinangunahan naman ni Dr. Muhammad Farzieh B. Abutazil, Head ng Bangsamoro READi, ang nasabing aktibidad. Dumalo rin ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at stakeholders upang mapalakas ang koordinasyon at mapahusay ang mga plano at hakbang sa panahon ng kalamidad at emergency.
Ayon sa CCPO, mahalaga ang kanilang pakikilahok upang matiyak na ang mga police personnel ay handang magbigay ng mabilis, maayos at koordinadong suporta sa panahon ng mga emergency at iba pang banta sa public safety, sa pakikipagtulungan sa mga partner agency at stakeholders sa Cotabato City at Bangsamoro Region.










