Nagbigay ng update at security assessment ang 6th Infantry Division o 6ID at Joint Task Force Central sa Provincial Peace and Order Council o PPOC ng Cotabato Province, kasunod ng katatapos na BARMM Parliamentary Elections.
Isinagawa ang Third Quarter PPOC Meeting, sa Provincial Capitol sa Amas, Kidapawan City. Dumalo rito si Brigadier General Ricky P. Bunayog, Acting Commander ng 6ID at Joint Task Force Central, kasama ang mga opisyal ng militar, lokal na pamahalaan, concerned government agencies at iba pang stakeholders.
Tinalakay sa pulong ang kasalukuyang peace and order situation sa lalawigan, kabilang ang mga naging karanasan at obserbasyon sa security operations noong election period. Inilahad din ang mga hakbang upang mapalakas ang koordinasyon ng security forces, lokal na pamahalaan at iba pang ahensya.
Ayon kay Bunayog, mahalaga ang patuloy na pagtutulungan at pagbabantay matapos ang halalan. Patuloy rin umano ang regular patrols, surveillance operations at iba pang security measures upang mapanatili ang kaligtasan at seguridad ng mga komunidad sa kanilang area of responsibility.










