Personal na kinamusta ni MILF Chairman at United Bangsamoro Justice Party o UBJP President Al Haj Murad Ebrahim, kasama ang Central Committee ng Moro Islamic Liberation Front o MILF, ang mga sugatan at pamilya ng mga nasawi sa mga karahasang naganap noong katatapos na halalan sa Cotabato City.
Matatandaang ilang insidente ng karahasan ang naitala bago at mismong araw ng halalan, partikular sa ilang bahagi ng lungsod, kabilang ang District 2.
Sa kanilang pagbisita, personal na ipinaabot nina Chairman Murad at mga miyembro ng MILF Central Committee ang pakikiramay sa mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay at pangangamusta sa mga nasugatan.
Nagpaabot din umano ang grupo ng tulong at suporta sa mga pamilyang naapektuhan ng mga insidenteng naganap kaugnay ng halalan. Patuloy naman ang mga kinauukulang awtoridad sa imbestigasyon sa mga insidente ng karahasan.










