Pinalakas ng Ministry of Public Works o MPW ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao ang pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan sa Sulu, Basilan, at Tawi-Tawi upang mapabilis ang pagkumpleto ng mga proyektong pang-imprastraktura sa rehiyon. Isinagawa ang serye ng mga pagpupulong mula Oktubre bente hanggang bente-dos, dos mil bente-sais, upang suriin ang kalagayan ng mga proyekto, alamin ang mga natapos na, at tukuyin ang mga problemang nagdudulot ng pagkaantala sa ilalim ng mga Memorandum of Agreement o MOA.
Kabilang sa mga proyektong sinuri ang mga kalsada, tulay, sistema ng suplay ng tubig, solar streetlights, pantalan, at iba pang pasilidad na kailangan ng mga komunidad. Pinangunahan ni Bangsamoro Director General Engineer Danilo A. Ong, kasama ang mga opisyal at district engineer ng MPW, ang talakayan tungkol sa mga teknikal at pinansyal na suliranin, gayundin ang mga hakbang na maaaring gawin upang maresolba ang mga ito. Inilahad din ng mga kinatawan ng mga lokal na pamahalaan ang kanilang mga accomplishment report sa tulong ng kani-kanilang District Engineering Office.
Dumalo sa mga pagpupulong ang mga alkalde, konsehal, provincial engineer, at municipal engineer upang pagtibayin ang pagtutulungan sa pagpaplano at pagpapatupad ng mga proyekto. Binigyang-diin ng MPW ang kahalagahan ng maayos na koordinasyon upang matugunan ang mga pagkaantala at matiyak na matatapos ang mga proyekto sa lalong madaling panahon. Sa ilalim ng pamumuno ni Minister Eduard Uy Guerra, patuloy na isinusulong ng MPW-BARMM ang pagtatayo at pagpapanatili ng mga imprastrakturang inaasahang magpapabuti sa mga serbisyong pampubliko at makatutulong sa pag-unlad ng mga komunidad sa Bangsamoro.
Photo courtesy: BARMM Government










