Pinagsama-sama ang mga manggagawa, employer, at kinatawan ng sektor ng paggawa mula sa iba’t ibang bahagi ng BARMM sa Bangsamoro Labor Summit cum Productivity Olympics 2026 na ginanap noong Oktubre bente-otso sa KCC Mall, Cotabato City. Pinangunahan ito ng Ministry of Labor and Employment o MOLE sa pamumuno ni Minister Mislimin Sema.
Layunin ng pagtitipon na palawakin ang oportunidad sa trabaho, pagandahin ang ugnayan ng mga manggagawa at employer, at pataasin ang produktibidad sa rehiyon. Isa sa mahahalagang bahagi ng aktibidad ang paglagda sa isang resolusyon sa pagitan ng MOLE at Bangsamoro Tripartite Industrial Peace Council o BTIPC.
Nagkaroon din ng mga talakayan tungkol sa maayos na ugnayan sa trabaho at pagpapataas ng produktibidad, sa pangunguna nina Gerie Lampitco ng National Conciliation and Mediation Board Region 12 at Pia Charmane De Jesus ng National Wages and Productivity Commission. Bahagi ito ng pagsisikap ng MOLE na isulong ang disenteng trabaho, mas maayos na kondisyon sa paggawa, at pangmatagalang oportunidad sa empleyo para sa mga manggagawa sa Bangsamoro region.










