Pinalalalim ng pamahalaan ng Pilipinas at Moro Islamic Liberation Front o MILF ang kanilang pagtutulungan sa pamamagitan ng mga proyektong pangkabuhayan at serbisyong pangkomunidad sa MILF Camp Bilal, Barangay Berwar.
tumanggap ang komunidad ng mga proyekto mula sa Department of Science and Technology o DOST at Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity o OPAPRU, sa ilalim ng Joint Task Forces on Camp Transformation.
Kabilang sa mga ipinagkaloob ang livelihood assistance para sa Berwar Farmers Community Consumers Cooperative, solar power system, at ligtas na suplay ng tubig.
Naglaan din ng mga kagamitang pang-edukasyon at pangkalusugan, gayundin ng early warning system para sa Berwar Integrated School at sa barangay. Pinondohan ng OPAPRU ang mga programa at ipinatupad naman ng DOST Region Twelve bilang bahagi ng pagsisikap na gawing mas mapayapa at produktibo ang anim na kinikilalang MILF camps.
Pinangunahan ang turnover nina GPH Peace Implementing Panel Chair Secretary Mel Senen Sarmiento, DOST Secretary Doctor Renato U. Solidum Junior, MILF Northwestern Mindanao Front Commander Abdullah “Bravo” Macapaar, at iba pang opisyal, kasama si Tangcal Mayor Sittie Aisah “Nancy” M. Tomawis-Adiong.
Binigyang-diin ni Sarmiento ang kahalagahan ng pagtutulungan ng pamahalaan at MILF, na aniya ay hindi na lamang magkatapat kundi mga katuwang sa pagbuo ng mas maunlad na kinabukasan.
Nanawagan naman si Member of Parliament Macapaar na ipagpatuloy ang pagkakaisa at kooperasyon upang mas maraming komunidad sa Mindanao ang makinabang sa mga programang pangkapayapaan at kaunlaran.










