Nagsagawa ang Department of Social Welfare and Development o DSWD, sa pamamagitan ng Peace and Development Buong Bansa Mapayapa – National Program Management Office o PDBBM-NPMO, ng dalawang araw na aktibidad para sa pagpapasimple ng case management at profiling ng mga miyembro ng Moro National Liberation Front o MNLF.
Isinagawa ang aktibidad bilang bahagi ng MNLF Transformation Program, na naglalayong matukoy ang mga pangangailangan ng mga benepisyaryo at masuportahan ang kanilang pagbabalik sa mapayapang pamumuhay sa komunidad.
May kabuuang animnapu’t dalawang miyembro ng MNLF ang kabilang sa programa. Dalawampu’t siyam sa mga ito ay mula sa Parang, Maguindanao del Norte, habang tatlumpu’t tatlo naman ang mula sa South Upi, Maguindanao del Sur.
Nakatuon ang dalawang araw na aktibidad sa indibidwal na pagpoprofile at pangangalap ng mahahalagang datos na magsisilbing batayan sa pagbibigay ng angkop na suporta at serbisyo sa mga benepisyaryo.
Bahagi rin ito ng patuloy na pagsisikap ng pamahalaan na itaguyod ang kapayapaan, social healing, at muling pagsasama sa lipunan ng mga dating kasapi ng MNLF, sa pamamagitan ng mga programang nakatuon sa kanilang pangangailangan at kapakanan.
Photo courtesy: DSWD










