Apat na dating kasapi ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters o BIFF-Karialan Faction ang nagbalik-loob sa pamahalaan sa isinagawang seremonya sa Barangay Zapakan, Rajah Buayan, Maguindanao del Sur.
Ayon sa ulat, ang mga nagbalik-loob ay mula sa bayan ng GSKP. Matagal na umano silang nagbabalak na bumalik sa kanilang komunidad, ngunit ngayon lamang nabigyan ng pagkakataong pormal na sumuko at makipag-ugnayan sa pamahalaan.
Bitbit ng mga dating rebelde sa kanilang pagbabalik-loob ang dalawang rocket-propelled grenade o RPG launcher, kasama ang tatlong bala, at dalawang M16 Armalite rifle.
Sinaksihan ang seremonya nina Rajah Buayan Mayor Bai Maruja Mastura, Member of Parliament-elect Datu Rafsanjani Ali, at GSKP Mayor Bai Mielyn Ali, kasama si 601st Brigade Commander Brigadier General Gremel Brual at mga kinatawan ng kapulisan.
Ang pagbabalik-loob ng mga dating kasapi ay bahagi ng mga pagsisikap na palakasin ang kapayapaan at seguridad sa Maguindanao del Sur, gayundin ang pagbibigay ng pagkakataon sa mga dating rebelde na muling makapagsimula at makapamuhay nang mapayapa sa kanilang komunidad.










