Sugatan ang dalawang sundalo ng Philippine Army matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang mga suspek sa Davao-Cotabato National Highway, Barangay Ladia, Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte, nitong Miyerkules ng gabi, Setyembre 23, 2026.
Batay sa ulat ng pulisya, kabilang sa mga biktima si Pfc. Labuson, 44-anyos, may-asawa, at residente ng Barangay Sinawingan, Libungan, North Cotabato. Miyembro siya ng Bravo Company, 7th Infantry Battalion, 6th Infantry Division ng Philippine Army. Kasama rin niya sa insidente si Pfc. Dumaguing.
Nakasakay umano ang dalawang sundalo sa isang itim na Kawasaki Bajaj na motorsiklo nang sundan sila ng dalawang hindi pa nakikilalang lalaki na sakay ng puting Yamaha NMAX. Bandang alas-6:10 ng gabi nang harangin umano ng mga suspek ang mga biktima at pinaputukan gamit ang isang maikling baril na pinaniniwalaang kalibre .45 na pistola.
Kapwa nagtamo ng sugat ang dalawang sundalo at agad na isinailalim sa kaukulang gamutan. Ayon kay PRO-BAR Spokesperson Captain Steffi Salanguit, mabilis na rumesponde ang mga awtoridad at nagpapatuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek at ang motibo sa likod ng pamamaril. Patuloy rin ang koordinasyon ng mga awtoridad para sa pagtugis sa mga suspek.










