Patuloy ang pagsasagawa ng monitoring flights ng Philippine Air Force o PAF sa himpapawid ng Cotabato City bilang bahagi ng post-election security measures sa lugar. Ayon kay Air Force Tactical Operations Group 12 Commander Lt. Col. Edwin Parcia, layunin ng mga naturang flight na maging maagap sa pagpapanatili ng seguridad matapos ang halalan.
Sinabi ni Parcia na regular pa ring nagsasagawa ng monitoring flights ang Air Force sa Cotabato City upang ipakita ang presensya ng PAF at ng Armed Forces of the Philippines o AFP, at makatulong sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa kanilang area of responsibility.
Napansin ng mga residente nitong mga nakaraang araw ang madalas na paglipad ng mga helicopter sa himpapawid ng lungsod, lalo na matapos ang unang BARMM Parliamentary Elections noong Setyembre 14. Ayon sa Air Force, bahagi ito ng patuloy na security monitoring sa kanilang nasasakupan.
Samantala, sinabi ng PAF na matatapos ang naturang operasyon kapag ibinaba na ng Western Mindanao Command o Wesmincom ang alert status sa BARMM.










