Pumanaw na ang isa sa mga sugatan sa pamamaril na naganap noong araw ng BARMM Election sa Cotabato City. Ayon kay Kapitan Jonas Mohamad, City Councilor ng Cotabato City at namumuno sa UBJP Cotabato City chapter, binawian ng buhay pasado alas-10 ng gabi Miyerkules, Setyembre 16, ang isa sa mga biktima ng pamamaril sa Cotabato City Pilot Central Elementary School.
Kinilala ang nasawi na si Commander Ustadz Anwarudin G. Abdulkareem, Deputy Brigade Commander ng Inner Guard Base Command, National Guard Front o IGBC-NGF ng BIAF-MILF, at residente ng Purok 4, Barangay Gang, Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte.
Ayon sa kanyang kaanak, malakas pa umano si Abdulkareem nang dalhin sa pagamutan at nakapagsagawa pa ng salah habang nakaupo. Ngunit kalaunan, unti-unti umano itong nanghina hanggang sa tuluyan nang bawian ng buhay.
Ayon pa sa kaanak, bago ang kanyang huling sandali, patuloy umano siyang nagsasagawa ng pagsahada o pagbigkas ng Shahada, ang pagpapahayag ng pananampalataya sa Islam.










