Nagkasagupaan ang mga tropa ng 105th Infantry Battalion ng Philippine Army at mga miyembro ng Communist Terrorist Group o CTG sa magkahiwalay na engkwentro sa T’boli, South Cotabato.
Unang nagkaroon ng sagupaan sa Sitio Lebe, Barangay Tudok, kung saan tinatayang sampung armadong indibidwal ang nakasagupa ng mga sundalo.
Tumagal nang halos sampung minuto ang engkwentro bago umatras ang armadong grupo. Sa clearing at pursuit operations, nakarekober ang militar ng 40mm grenade launcher, caliber .38 revolver, mga communication radio, cellphone, medical kit at mga dokumento.
Muling nagkaroon ng sagupaan pagsapit ng dapit-hapon, kung saan narekober naman ang isang M16 rifle, anti-personnel mine, granada, mga magazine, bandolier, radio, binoculars at iba pang kagamitan.
Ayon sa 6th Infantry Division, nagpapatuloy ang operasyon sa lugar bilang bahagi ng election security operations sa ilalim ng Joint Task Force Central.
Hinimok naman ng militar ang mga natitirang armadong miyembro ng grupo na talikuran ang armadong pakikibaka at samantalahin ang mga programa ng pamahalaan para sa kanilang pagbabalik-loob.










