Marangal at patas na tinanggap ng Bangsamoro Party o BaPa ang resulta ng unang halalan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM, na isinagawa noong Setyembre 14, 2026.
Ayon sa BaPa, mahalaga ang halalang ito bilang bunga ng matagal na pakikibaka ng mga Bangsamoro para sa sariling pagpapasya, kaya nararapat itong isagawa at gunitain nang may kapayapaan, kaayusan at katapatan.
Gayunman, nagpahayag ng pag-aalala ang partido sa ilang naiulat na insidente, kabilang ang pamamaril malapit sa polling center sa Cotabato City, pagsabog ng granada bago ang halalan, mga pre-shaded na balota sa Basilan at Cotabato City, at mga ulat ng vote-buying.
Giit ng BaPa, nakaaapekto ang mga ganitong insidente sa karapatan ng mga botante na malayang pumili ng kanilang mga lider. Sa kabila nito, sinabi ng partido na lumahok sila sa halalan nang may integridad at patuloy na igagalang ang desisyon ng taumbayan.
Nagpasalamat din ang BaPa sa kanilang mga nominee, opisyal, manggagawa at tagasuporta sa kanilang naging suporta at sakripisyo. Bilang parent organization ng BaPa, muling pinagtibay ng Moro National Liberation Front o MNLF ang pangako nito sa kapayapaan, seguridad at katatagan ng Bangsamoro.
Nanawagan naman ang BaPa sa lahat ng partido na igalang ang kabanalan ng balota, itakwil ang karahasan at magkaisa para sa ikabubuti ng buong Bangsamoro.










