Nagpaabot ng mensahe si Commission on Elections o COMELEC Chairman Atty. George Erwin Garcia sa mga kandidatong nagwagi sa katatapos na kauna-unahang BARMM Parliamentary Elections.
Sa panayam ng 102.1 Juander Radyo Cotabato kay Chairman Garcia, sinabi niyang patuloy na sinusuri ng COMELEC ang naging takbo ng halalan, kabilang ang mga insidenteng naitala sa ilang bahagi ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM.
Hinimok naman ni Garcia ang mga bagong halal na opisyal na gampanan nang maayos ang kanilang mandato at unahin ang kapakanan ng mga mamamayan ng Bangsamoro. Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagkakaisa, pagtutulungan at mabuting pamamahala upang maisulong ang kapayapaan at kaunlaran sa rehiyon.
Pinasalamatan din ng COMELEC ang mga botante, kandidato, mga guro at electoral workers, mga security forces, at lahat ng naging bahagi sa pagsasagawa ng unang BARMM Parliamentary Elections.
Umaasa ang komisyon na ang katatapos na halalan ay magsisilbing daan tungo sa mas maayos na pamamahala, pagkakaisa at patuloy na pag-unlad ng Bangsamoro.










