Pormal nang iprinoklama si ICM Abdulraof Macacua bilang bagong kinatawan ng Ikatlong Distrito ng Maguindanao del Norte, na kinabibilangan ng Cotabato City, matapos makumpleto ang proseso ng canvassing sa mga boto mula sa isinagawang halalan.
Nanguna si Macacua sa halalan matapos makakuha ng humigit-kumulang Tatlongpu’t pitong libong boto, na malaking lamang kumpara sa kanyang katunggali na si Badrudin Mamad, na nakakuha naman ng 9,800 boto. Isinagawa ang pormal na proklamasyonmatapos ang pagbibilang, pagsusuri, at canvassing ng mga boto ng mga kinauukulang election officials.
Sa kanyang pagkakaproklama, pormal nang nakumpirma ang pagkakapanalo ni Macacua bilang kinatawan ng Ikatlong Distrito. Inaasahan naman na kanyang kakatawanin ang mga residente ng distrito sa ilalim ng bagong Bangsamoro parliamentary system.
Ang naturang resulta ay bahagi ng makasaysayang unang Bangsamoro Parliamentary Election, na isinagawa upang piliin ang mga magiging kinatawan ng mga distrito sa Bangsamoro Parliament.
Patuloy namang hinihintay ang iba pang opisyal na resulta at proklamasyon mula sa mga lugar na sakop ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, kasunod ng pagkumpleto sa proseso ng canvassing.










