Personal na binisita ni Lt. Gen. Wilson Joseph Lopez, Deputy Chief ng Philippine National Police o PNP for Operations, ang isang pulis na nasugatan sa naganap na palitan ng putok sa Cotabato City Central Pilot School habang isinasagawa ang botohan kahapon, Setyembre 14, 2026.
Kinilala ang nasugatang pulis na si Patrolman Justeen Reo Ga ng Dinagat Islands Police Provincial Office, na kabilang sa mga tauhang ipinadala ng Police Regional Office 13 upang tumulong sa seguridad ng unang BARMM Parliamentary Elections.
Kasama rin sa pagbisita sina Police Maj. Arnold Ardiente at PRO-BAR Director Brig. Gen. Christopher Abecia. Sa kanilang pagbisita, tiniyak ng pamunuan ng PNP ang patuloy na pag-monitor sa kalagayan ni Ga, kabilang ang kanyang medical care at iba pang kinakailangang suporta habang nagpapagaling mula sa insidente.
Ayon sa PNP, bahagi ito ng kanilang pagtitiyak na mabibigyang-pansin ang kalagayan at kapakanan ng mga pulis na nasasangkot sa mga insidente habang ginagampanan ang kanilang tungkulin sa pagpapanatili ng seguridad sa halalan.
Ang insidente sa Cotabato City Central Pilot School ay kabilang sa mga naitalang insidente ng karahasan sa Cotabato City na naganap kasabay ng isinagawang kauna-unahang BARMM Parliamentary Elections.










