Tukoy na ng Cotabato City Police ang pagkakakilanlan ng mga may-ari ng dalawang Toyota Fortuner na pinagdiskitahang wasakin ng grupo ng mga kalalakihan kahapon sa bahagi ng Sero Central Elementary School sa Cotabato City.

Ayon kay CCPO City Director Col. Jibin Bongcayao, natukoy na ng kanilang mga imbestigador ang mga may-ari ng dalawang sasakyan na napinsala sa insidente. Gayunman, hindi muna nito ibinunyag sa publiko ang kanilang mga pangalan habang nagpapatuloy ang proseso ng imbestigasyon.
Nauna nang naiulat na pinagpapalo at pinagbabato umano ng ilang kalalakihan ang dalawang nakaparadang sasakyan, dahilan upang masira ang mga ito. Nangyari ang insidente sa kasagsagan ng mga kaganapan kaugnay ng isinagawang BARMM Parliamentary Elections.
Sinabi ni Col. Bongcayao na hinihintay na lamang ng kapulisan kung magsasampa ng pormal na reklamo ang mga may-ari laban sa mga indibidwal na umano’y nanira sa kanilang mga sasakyan.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng Cotabato City Police upang matukoy ang lahat ng sangkot at malaman ang tunay na motibo sa insidente, kabilang na kung may kaugnayan ito sa tensiyon na naitala sa lugar kasabay ng halalan.










