Nanawagan ang 602nd Infantry Brigade sa mga sangkot sa insidente ng karahasan sa Sitio Tubak, Barangay Pagangan, Aleosan, Cotabato na igalang ang proseso ng kapayapaan upang maiwasan ang panibagong kaguluhan.
Sa kanilang pahayag, kinondena ng Brigade ang insidente na nagdulot ng takot at pangamba sa mga residente.
Batay sa paunang impormasyon mula sa mga residente, nagsimula umano ang kaguluhan dahil sa alitan ng mga indibidwal na kabilang sa magkaibang pangkat ng Moro Islamic Liberation Front o MILF.
Muling hinikayat ng militar ang mga sangkot na pairalin ang maayos na pag-uusap at iwasan ang paghihiganti upang mapanatili ang kapayapaan at seguridad sa komunidad.










